-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nagpasaklolo sa Bombo Radyo ang isang dalaga kasunod ng kumalat na video scandal na diumano’y siya ang pangunahing bida.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay alyas Inday, sinabi nito na wala siyang ideya na ginamit ang kanyang larawan sa Facebook ng babae na nakaaway daw ng kanyang barkada sa social media site.

Nagulat na lamang aniya ito nang may nag-chat sa kanya at tinanong kung siya ang babae sa nasabing sex video na kasalukuyang pinagpipiyestahan.

Ayon kay Inday, kilala niya ang babae na nagpakalat ng video dahil tinawagan pa siya at humingi ng sorry.

Ngunit nanindigan daw siya na hindi makukuha sa sorry ang naging epekto nito sa kanyang pagkatao at pamilya na sinisisi pa siya sa nangyari sa kabila na naipit lamang ito sa away ng barkada at suspek.

Iginiit ni alyas Inday na hindi siya ang babae sa anim na minutong sex video na pinaniniwalaang kuha sa loob ng sementeryo.

Inamin din ng dalaga sa Bombo Radyo na dahil sa nangyari ay nagkaroon ito ng depresyon at nawalan ng ganang kumain.

Sa pamamagitan ng Bombo Radyo, humingi ito ng tulong para mapaabot sa Cyber Crime Division ng Philippine National Police ang kanyang reklamo.