-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang dalaga sa pamamaril dakong alas-7:40 ng gabi nitong Biyernes sa syudad ng Kidapawan.

Nakilala ang biktima na si Jennifer Cortez, 20, residente ng 3rd block Lola Dilang St., Barangay Poblacion, Kidapawan City.

Ayon sa ama ng dalaga, nagluluto ng kanyang panindang barbecue ang biktima kasama ang kanyang kasintahan sa harap ng kanilang tahanan ng biglang dumating ang riding in tandem suspects at pinagbabaril ito gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungong town proper.

Agad dinala ng kanyang pamilya at kasintahan ang biktima sa pagamutan ngunit binawian din siya ng buhay nang magtamo ng tama ng bala sa ulo at kanang mata.

Dagdag ng ama, mabait ang kanyang anak at ni minsan wala itong nakaaway kaya hiling niya sa mga otoridad na makamit ang hustisya sa sinapit nito.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Kidapawan City PNP sa pamamaril patay sa biktima.