(Update) CAUAYAN CITY – Binawian na ng buhay ang isang dalagita na isa sa mga malubhang nasugatan sa pagbaligtad ng isang elf truck sa Sitio Buduan, Barangay San Pablo, Cauayan City.
Ang nasawi ay si Tina Joy Tejada, 14, residente ng Cauayan City.
Naunang sinabi ng ama ng biktima na si Alberto Tejada na tinaningan ng doktor ang buhay ng kanyang anak dahil sa mga malubhang sugat sa katawan.
Magugunita na nasa 28 na tao ang nasugatan sa pagbaligtad ng passenger truck na patungo sa Linglingay, Gamu, Isabela dakong alas-2:00 ng hapon noong araw ng Linggo.
Labis naman ang pagsisisi ng driver ngtruck na si German Tagata sa nangyaring aksidente dahil overloading ang truck kaya nahirapan sa paakyat at pakurbang bahagi ng daan malapit sa Bduan bridge.
Siya ay nasa pangangalaga ngayon ng Cauayan City Police Station at unang sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple serious physical injuries.
Isusunod na isasampa laban sa kanya ang kasong reckless imprudence resulting in homicide dahil sa pagkamatay ni Tejada.