CEBU – Nagkagulo ang mga tao sa Sitio Proper, Barangay Poblacion, lungsod ng Medellin Cebu matapos na nakita ang isang 17 taong gulang na babae sa ibabaw ng walong talampakang tore sa isang kilalang telecommunication company.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Audie Pelayo, ang hepe ng Medellin Police Station, sinabi nito na pasado alas 6 nitong Biyernes ng umaga ng nakita ang nasabing menor de edad na kinilala lang sa pangalang ‘Eva’, sa ibabaw ng nasabing tore kaya agad nagsagawa ng rescue operation ang Medellin PNP, AFP, at Medellin Rescue Unit.
Ayon kay Police Major Pelayo na tumagal ng mahigit apat na oras ang kanilang ginawang negosasyon para lang bumaba ang nasabing menor de edad.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing sobrang nalungkot ang dalaga nang pinagalitan ito ng kanyang nakakatandang kapatid na babae.
Nabatid na gusto ng nasabing menor de edad na sumama na lang sa kanyang nobyo upang mag-live in.
Gayunpaman, matagumpay na nakuha ng mga rescuer ang dalaga at agad na dinala sa ospital dahil matapos itong nanghina dahil sa gutom at init.