-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nakakulong na ang sundalong namaril sa Kabankalan City, Negros Occidental kung saan namatay ang 15-anyos na dalagita habang sugatan naman ang kapitbahay nito.

Ang suspek ay kinilalang si Sgt. Lito Valdevieso na miyembro ng 94th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 94th IB commander Lt. Col. Angelo Guzman, nakipag-inuman si Valdevieso sa bahay ni John Padernal sa Barangay 1, Kabankalan City nitong nakaraang gabi.

Dumating din umano sa bahay ni Padernal ang kanyang kapitbahay na si Felix Estomo at sumali sa inuman.

Sa kalagitnaan ng drinking session, natanong umano ni Estomo ang sundalo kaugnay sa kanyang trabaho na ikinagalit nito kaya’t binunot nito ang dalang .45 caliber pistol at binaril si Estomo.

Nakatakbo umano si Estomo kaya’ tinamaan lamang ito sa kanyang balikat.

Tumagos naman ang bala sa 15-anyos na dalagita na anak ni Padernal na noo’y nakaupo sa tricycle sa labas ng kanilang bahay.

Dahil sa tama sa kanyang dibdib, idineklarang dead on arrival sa ospital ang dalagita.

Kaagad namang nahuli ng mga pulis ang sundalo at ngayo’y nakakulong na sa Kabankalan City Police Station.

Siya ay nakatakdang sampahan ng kasong frustrated homicide dahil sa pagbaril kay Estomo at homicide dahil sa pagkamatay ng dalagita.