-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagluluksa ngayon ang pamilya ng isang 17 anyos na dalagita na nasawi sa banggaan ng motorsiklo at pick-up sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Almie Nicole Elola na residente ng Barangay Poblacion A M’lang Cotabato.

Ayon sa ulat ng M’lang PNP na lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo sa Barangay Pulang Lupa sa bayan ng M’lang nang mabangga ito ng kasalubong na Ford Ranger pickup.

Tumilapon ang dalagita sa motorsiklo at nagtamo ng matinding sugat sa ulo kaya agad binawian ng buhay.

Agad namang sumuko ang driver ng pickup sa mga nagrespondeng mga tauhan ng M’lang Municipal Police Station.

Inihayag ng mga saksi na nag overtake umano ang Ford pickup truck sa isa pang sasakyan at matulin ang takbo kaya nabundol nito ang dalagita na sakay ng kanyang XRM-125 na motorsiklo.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng M’lang PNP at nakatakdang sampahan ng kaso ang driver ng pickup.