(Update) CEBU CITY – Pinaghahanap na ng Danao-Philippine National Police ang isang security guard na itinuturong suspek sa pagpatay at paghulog sa septic tank sa isang dalagita sa Cebu.
Una nito, natagpuan na lamang kahapon ang katawan ng biktimang si Thesa Marie Ygay na nasa state of decomposition sa loob ng septic tank ng Cogon Cruz Integrated School sa nasabing lungsod matapos umalingasaw ang masangsang na amoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Col. Meribel Getigan, hepe ng Danao Police Station, sinabi nito na base sa pamilya ng 14-anyos na biktima, noong Abril 3 pa ito nawawala matapos umalis sa kanilang tinitirhan sa Lapu-Lapu City.
Huli umanong nakita ang biktima kasama ang isang security guard na kinilalang si Jessie Montes Medequillo, 36-anyos .
Nakatanggap din daw ng impormasyon ang pamilya ng biktima mula sa isa pang guard sa parehong paaralan na hindi na nito naabutan si Medequillo sa kanyang post dahil maaga itong umalis noong nakaraang Sabado.
Nakakita rin umano ito ng mga patak ng dugo at bato na may mantsa ng dugo malapit sa guard house.
Ayon pa kay Getigan, posibleng pinatay muna ang biktima bago ito inihulog sa septic tank.
Nakitaan din ng tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Thesa Marie.
Sinasabing mula pa noong siyam na taong gulang ang biktima ay nililigawan na ito ng suspek at siya na rin umano ang nagpapaaral dito.