CENTRAL MINDANAO- Trending ngayon sa social media ang larawan ng isang dalagita sa Midsayap Cotabato na nagtitinda ng banana cue.
Ang dalaga sa larawan ay kinilalang si Yssa Nicole Nengasca, 16-anyos, Grade 11 student ng Notre Dame of Midsayap College at residente ng Brgy. Poblacion 2 Midsayap Cotabato.
Naging viral ang naturang larawan ni Nengasca matapos na mai-post ito ng ilang mga Facebook Pages at dito namangha ang mga netizens na maliban sa kanyang pagtitinda ng banana cue ay hinangaan din ang kagandahang taglay nito.
Ayon pa sa ilang mga netizens na nag-comment sa viral post, hindi umano ikinakahiya ni Nengasca ang sarili nito na nagbebenta ng banana cue at may iba pang nagpahayag na kahit hindi sila kumakain ng saging ay tiyak na bibili na lamang sila dahil sa nagtitinda.
Ayon kay Nengasca, ang kanyang pagbebenta ng banana cue ay upang makatulong sa kaniyang pamilya lalo pa at nagkakaproblema umano sila ngayon sa kanilang sitwasyon dahil na din sa krisis na dulot ng COVID-19 na nakaapekto sa trabaho ng kanyang ina na nasa ibang bansa.
Samantla, hindi naman akalain ni Nengasca na mag-viviral ang larawan nito at kaniya namang ikinatuwa ang mga positibong reaksyon ng mga netizens.
Ikinalungkot naman nito ang mga negatibong komento na nakaapekto din kay Nengasca tulad na lamang ng pambabastos at ginawang katuwaan ang kanyang larawan.
Dagdag ni Nengasca, sana maging inspirasyon na lamang sa iba ang kanyang ginagawa dahil hindi naman nito intensyon na mag-viral ang kanyang simpleng pagbebenta ng banana cue.
Sa ngayon, mayroon na itong kabuoang 80-k likes, 5-k comments at halos 100-k shares.