-- Advertisements --
tulunan cotabato

CENTRAL MINDANAO – Muntik na umanong maagaw ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang dalang pera ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa distribusyon sana ng Social Amelioration Program (SAP) sa Barangay Tuburan, Tulunan, North Cotabato.

Ayon kay Tulunan chief of police, Major Jun Napat, nag-abang ang mga NPA na pinamumunuan ng isang Eusebio Cranzo alyas Brex, squad leader sa tinagruiang guerilla unit sa ilalim ng grupo ni Dave Verana alyas commander Borjack ng Guerilla Front 72 sa gilid ng kalsada sa Barangay Tuburan sa bayan ng Tulunan.

Nagkataon naman na nagsasagawa ng foot patrol ang tropa ng 39th Infantry Battalion Philippine Army kaya napigilan ang planong ambush ng mga rebelde sa police car na may dalang pera.

Tumagal umano ng halos 30-minuto ang palitan ng bala ng militar at mga NPA.

Agad namang umatras ang grupo ni alyas Brex paakyat ng kabundukan sa Brgy Tuburan, Tulunan, Cotabato.

Wala rin namang nasugatan sa panig ng pwersa sa gobyerno habang hindi pa matiyak sa mga rebelde.

Narekober ng mga sundalo sa encounter site ang dalawang empty shell ng M203 grenade, 20 piraso ng AK-47 live ammunition, limang fired cartridges ng AK-47, 18 fired cartridges at tatlong live ammunitions ng M16.

Hindi naman natuloy ang pamamahagi ng SAP cash assistance sa barangay Magbok at Paraiso na sakop ng bayan ng Tulunan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang clearing operation ng militar at pulisya laban sa mga rebelde.