-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Kinilala ng Kabacan Cotabato Rural Health Unit ang barangay ng Kayaga at Poblacion na may mataas na kaso ng dengue para sa unang kwarter ng taong 2019.

Batay sa ulat ng Municipal Epidemiology Surveillance Unit pumalo sa labing anim na kaso ang naitala sa Brgy. Kayaga habang tatlompot walo naman sa Brgy. ng Poblacion.

Kaugnay nito, limang barangay naman sa bayan ang walang naitalang kaso ng dengue para sa unang kwarter ng taon. Ito ang mga brgy. ng Bannawag, Buluan, Katidtuan, Pisan, at Salapungan.

Ayon sa tanggapan, abot na sa isang daang kaso ng dengue ang naitala sa bayan para sa unang kwarter lamang.

Bagamat tumaas ng 455.56% ang kaso ng dengue ngayong taon kumpara noong 2018 sa kaparehong kwarter na mayroong labing walong kaso ng dengue, nagpapasalamat parin ang tanggapan ng MESU dahil na rin sa patuloy ang pagbaba ng kaso ng dengue sa bayan.

Sa huling report ng MESU para sa buwan ng Abril 2019, nasa anim na kaso na lamang ng naturang sakit ang naitala.

Ipinagpasalamat naman ito ni Brgy. Poblacion Punong Brgy. at kasalukuyang ABC President Evangeline Pascua-Guzman.

Aniya, hindi matatawaran ang ipinakitang suporta ng lokal na pamahalaan ng Kabacan sa pangunguna ni Mayor Herlo Guzman Jr, mga Punong Barangay, at mga Health Workers sa bayan upang mapababa ang kaso ng dengue. Nagpasalamat din ito sa publiko sa pagsuporta ng programang Aksyon Barangay Kontra Dengue o ABaKaDa.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Kabacan na kanilang gagawin ang kanilang makakaya upang tuluyang mapababa ang kaso ng dengue sa bayan ng Kabacan.