Namataan umano ng ilang mga residente sa Balabac Islands ang dalawang Chinese warship na naglalayag sa katubigang sakop ng isla.
Ang Balabac Is ay matatagpuan sa katimugang bahagi ng Palawan kung saan matatagpuan ang isa sa mga Philippine bases na nakatakdang gamitin ng US Forces sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Isang dating kapitan ng barangay na kinilalang si Roy Reyes ang kumuha ng video sa habang naglalayag ang mga barkong pandigma.
Kwento ng dating Brgy official, nakasakay siya sa kanyang maliit na bangka nang nakita niya ang mga barko, at tinatahak ang katubigan ng Mangsee at Onok Islands, mga islang bahagi ng Balabac.
Ayon pa kay Reyes, hindi na rin bago sa mga residente ng Balabac na makakita ng mga malalaking barko na dumadaan sa lugar lalo na at daanan ito aniya ng mga international cargo vessel.
Gayonpaman, ito umano ang unang pagkakataon na makakita ang mga residente ng barkong pandigma ng mga Tsino na pumasok labis na malapit sa teritoryo ng Pilipinas.
Ang Balabac ay may layong 140 nautical miles mula sa Mischief reef na dati nang pinagtayuan ng mga Chinese ng ilang mga istraktura.