Nahuli ng Bureau of Immigration ang dalawang dayuhan na nagpanggap na mga Pinay noong Miyerkules, Hulyo 10.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang dalawang babae, na kinilala lamang sa pangalang ‘Dianne” at ‘Myla,” ay nagtangkang bumyahe patungong Beijing nang sila ay harangin ng immigration officers.
Ayon sa BI, si Dianne, 61, ay nagpakita ng valid Philippine passport at birth certificate.
Ayon sa ahensya, ang kanyang kapanganakan ay nairehistro lamang noong 2002, noong siya ay 39 taong gulang na.
Dagdag pa, inconsistent ang mga pahayag ni Dianne patungkol sa kanyang pagkakakilanlan at sinabing hindi niya maalala ang pangalan ng kanyang school sa Pilipinas.
Tinangka naman ni Myla na dumaan sa isang hiwalay na immigration counter ngunit ni-refer din para sa karagdagang assessment matapos na matuklasan din ang hindi pagkakatugma-tugma sa impormasyon.
Mayroon siyang Philippine passport, Philippine driver’s license at UMID card.
Hindi rin niya masabi ang tungkol sa kanyang pagkabata at kanyang pamilya, ngunit sinabing siya ay “homeschooled ng kanyang lola.”
Gayunpaman, kalaunan ay inamin ni Myla na nakuha lamang niya ang mga dokumento sa pamamagitan ng isang contact na nakilala niya online.
Sinabi ni Tansingco na naniniwala silang Chinese citizen ang dalawang babae.
Hinarang sila ng mga tauhan ng BI na sumakay sa flight ng Cathay Pacific papuntang Beijing.
Kasalukuyang nakakulong sina Dianne at Myla sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig City, habang sumasailalim sa deportation proceedings.
Tinitingnan din ng BI ang kanilang mga aktibidad sa bansa at posibleng mga link sa Philippine Offshore Gaming Operators.