Iniulat ng Department of Justice na hawak na ngayon ng mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang indibidwal na umano’y biktima ng human trafficking na narescue mula sa loob ng KOJC compound sa lungsod ng Davao.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, matapos na mailigtas ay itinurn-over ito ng PNP sa DSWD.
Nabatid na lumapit ang mga pamilya ng biktima sa PNP para humingi ng tulong na maligtas ang mga biktima matapos na simulan ng pulisya ang paghalughog sa compound ng KOJC.
Ang rescue operation ay pinangunahan mismo ng Philippine National Police Women and Children Protection Desk katuwang ng Department of Social Welfare and Development Region 11.
Natukoy ang biktima na isang 21 anyos na lalaki na mula sa Samar at isang babae na mula sa bayan ng Midsayap lalawigan ng Cotabato.
Napag-alaman na matagal nang gustong umuwi ng mga ito ngunit pinipigilan sila ng mga miyembro ng KOJC.
Samantala, hinikayat ni Remulla ang iba pang biktima at kanilang mga pamilya na lumapit sa otoridad para mabatid kung marami pang biktima ng human trafficking .
Siniguro rin ni Remulla na patuloy nilang palalakasin ang kolaborasyon sa pagitan ng DOJ, Inter-Agency Council Against Trafficking, Philippine National Police (PNP), DSWD, at iba pang ahensya upang masiguro na magiging matibay ang kasong ihahain laban sa mga responsable ,
Nilalayon rin nito na mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Si Quiboloy ay patuloy pa ring pinaghahanap ng pulisya sa 30 hectares na lupain ng KOJC compound upang ihain ang alias warrant of arrest na inilabas ng korte laban sa kanya.
Ito ay para sa kasong child sexual abuse at qualified human trafficking.
Una nang sinabi ni dating PRRD na alam niya ang kinaroroonan ng pastor ngunit hindi na ito maaaring sabihin.