Ikinatuwa ng Land Transportation Office ang matagumpay na pagkaka aresto sa dalawang magkapatid na fixer na napaulat na nangbibiktima sa Central Office nito sa Lungsod.
Kinilala ng mga otoridad ang mga suspect na sina Teresita dela Cruz, 58 anyos; at Kathleen Joy dela Cruz.
Sila ay naaresto matapos ang ikinasang joint entrapment operations ng mga tauhan ng LTO, QCPD at Special Project Group ng Department of the Interior and Local Government kahapon.
Ang ikinasang operasyon ay nag-ugat sa reklamo ng isang motorista na pinangakuan ng mabilis na transaksyon ng kanyang non-professional driver’s license sa halagang P6,800 at sa kabila nito ay hiningan pa sya ng P1,350 ng dalawang fixer kaya nagsumbong na ito sa mga kinauukulan.
Sa ngayon ay nakaditene ang dalawa sa QCPD Station 10 sa Kamuning habang mahaharap naman ang mga ito sa patong-patong na kaso at isa na rito ang kasong Estafa.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ito ay patunay lamang na nananatiling determinado ang kanilang ahensya na labanan ang mga fixer.
Pinaalalahanan naman ng opisyal ng publiko na huwag makikipag transaksyon sa mga fixer upang hindi mabiktima.