Patuloy na nagpapakawala ng tubig ang dalawang dam sa Luzon, kasunod ng ilang serye ng pag-ulan na naranasan sa ilang bahagi ng bansa.
Kabilang dito ang Angat Dam at Ipo Dam na kapwa nasa probinsya ng Bulacan.
Batay sa datos ng Department of Science and Technology (DOST), nasa 212.79 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam na mas mataas kumpara sa itinuturing na normal high level na 212 meters.
Dahil dito, binuksan ang dalawang spillway gate ng naturang dam at kinalaunan ay dinagdagan pa ng isa. Ito ay katumbas ng 1.5 meters na opening.
Napanatili naman sa 100.74 meters ang lebel ng tubig sa Ipo Dam habang nakabukas ang dalawa nitong gate. Isang metro naman ang opening ng mga binuksang gate.
Batay sa monitoring ng DOST, bahagya namang nadagdagan ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam habang ang lebel ng tubig sa iba pang dam ay nabawasan.
Kinabibilangan ito ng Ambuklao, Binga, da Cordillera, San Roque Dam sa Pangasinan, Pantabangan sa Pampanga, at Magat Dam sa Isabela. – GENESIS RACHO