Nasawi habang nagre-report ang dalawang Palestinian journalists matapos magpaulan ng air strike ang Israel sa Southern Gaza. Kinilala ang mga biktima na sina Hamza Al-Dahdouh at Mustafa Thuraya ng Al Jazeera, isang news network sa bansang Qatar.
Sa isang pahayag, kinondena ng Al Jazeera Media Network ang pagkasawi ng dalawang journalists dahil sa pag-atake ng Israel. Nanawagan din ito sa International Criminal Court at United Nations na dapat umanong pagbayarin ang Israel sa pagpaslang ng mga journalists.
Kaugnay nito, nauna ng sinabi ng Israeli Defense Force na kailanman ay hindi nila intensyon na i-target at patayin ang mga journalists.
Nakapagtala na ng 77 na journalists at media workers ang namatay sa Israel-Hamas war simula October 7 ayon sa Committee to Protect Journalists o CPJ.