Kinasuhan na ng Department of Justice ang dalawang pinaghihinalaang financier ng New Peoples Army at nangungulekta ng revolutionary tax.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na nakitaan nila ng sapat na ebidensya para kasuhan ang mga ito.
Ang dalawang personalidad ay nahaharap sa reklamong may kinalaman sa paglabag sa Section 8 ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi nila papayagang lumaganap ang kahit katiting ng terorismo sa bansa na nagdudulot ng takot sa bawat mamamayang Pilipino.
Sa oras aniya na mapatunayang guilty, tiniyak ng kalihim na hindi nila ito hahayaang hindi maparusahan sa ilalim ng ating umiiral na batas.
Ibinunyag pa ng DOJ na batay sa ulat ng pulisya, ang dalawa ay maydsala umanong baril at bala ngunit wala naman itong sapat na pinagkakakitaan o layunin.
Bukod dito ay nagsagawa rin aniya ang mga awtoridad ng kaukulang background check sa dalawang indibidwal.
Hiniling ng mga awtoridad ang pagpapalabas ng search warrant ng korte laban sa dalawa sa tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.
Matapos ang operasyon, narekober mula sa dalawang personalidad ang mga baril, bala, improvised explosive device (IEDs), IED components, at malaking halaga ng pera sa iba’t ibang denominasyon.
Ayon sa DOJ, miyembro umano ng National Finance Commission ng CPP-NPA ang dalawa na humihingi ng pera sa mga pribadong kumpanya at negosyante.
Ang dalawa rin ang nasa likod ng paglikha ng National Economic Striking Force (NESF) ng CPP/NPA na nagsisilbing seguridad ng “Rebolusyonaryong Buwis sa Kaaway na Uri”.