Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa dalawang South Korean nationals na parehong wanted ng Interpol at mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa multi-million dollar investment scams.
Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang isa sa mga pugante bilang si Kim Young Sam, 58 taong gulang, na inaresto ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit ng BI noong Abril 22 sa loob ng kanyang tirahan sa BF Homes Village, Lungsod ng Parañaque.
Ayon kay Viado, habang isinasagawa ang operasyon, nadiskubre rin ng mga otoridad ang presensya ng isa pang Koreanong pugante na kinilalang si Weon Cheolyong, 59 taong gulang.
Sinabi ng BI chief na agad nang ipade-deport si Kim dahil noong Disyembre 2021 pa siya pinalabas ng kautusan ng BI Board of Commissioners na paalisin sa bansa bilang isang “undesirable alien.”
Subject din aniya ng Interpol red notice si Kim na inilabas noong 2018 matapos siyang isyuhan ng warrant of arrest ng Seoul Central District Court dahil sa pangangalap ng pondo para sa isang negosyo nang walang government permit.
Mula pa noong 2015, naiulat na umabot sa mahigit 3 bilyong piso ang naipon mula sa 253 biktima ng naturang kumpanya.
Samantala, lumabas sa paunang imbestigasyon na si Weon ay isang overstaying alien at wanted din sa Korea dahil sa ilang kaso ng investment fraud na nagdulot ng pagkalugi ng mahigit 17 milyong piso mula sa 14 na biktima.
Mananatili naman sa custodial facility ng BI sa Camp Bagong Diwa, Lungsod ng Taguig ang dalawang banyaga habang hinihintay ang kanilang deportasyon