Laoag City – Parehong nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawang STL collector matapos pagbabarilin ng anak ng kasamahang collector sa Barangay Sagpatan, Dingras.
Nakilala ang mga biktima na sina Henson Aguiran at Ronald Deuz habang ang suspek ay si Sammy Alejo.
Sinabi ni Police Captain Norman Pentang, hepe ng Philippine National Police – Dingras na base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, papunta sa Brgy. Root ang mga biktima na nakasakay sa motorsiklo upang magsumite ng mga koleksyon sa STL ngunit ng makarating ang mga ito sa dike ng padsan river ay umano’y pumara ang suspek at humingi ng gasolina.
Samantala, saad na sa pagtigil ng mga biktima ay agad naman na pinagbabaril ng suspek ang dalawang collector.
Aniya, pagkatapos ng pamamaril ay nakatakbo si Aguiran sa bahagi ng Poblacion Area habang si Deuz ay tumakbo sa mga kabahayan at parehong nagtamo ito ng mga sugat sa katawan.
Agad naman na nadala si Aguiran sa Piddig Hospital ngunit agad na nakalabas dahil sa daplis sa taenga lamang ang sugat nito habang si Deuz ay nadala sa Dingras District Hospital ngunit nailipat rin sa Mariano Marcos Memorial Hospital and medical Center sa lungsod ng Batac at nanatili sa Intensive Care Unit (ICU) dahil sa tama ng bala ng baril sa kanyang batok at dibdib.
Samantala, sa pahayag ng isa sa mga biktima na si Aguiran, pagpara sa kanila ng suspek na si Alejo ay nasabi ng kasama niyang si Deuz na kaunti ang kanyang gasolina at pagkatapos ay nabigla na lamang ng makarinig ng putok ng baril ay natumba na ang kanyang kasama kasabay ng pag-agos ng dugo sa kanyang tainga.
Dagdag ni Alejo na ipinukpok rin ng suspek ang baril sa kanyang likuran ngunit nakiusap ito at agad na tumakas papunta sa poblacion.
Kaugnay nito, ipinaalam ni hepe Pentang na agad naman na nahuli ang suspek sa Brgy. Mandaloque sa parehong bayan, ilang oras matapos ang krimen.
Nalaman na ang suspek ay dati ng naggaling sa bilangguan dahil sa kasong murder ngunit iginiit nito na wala siyang kinalaman sa pamamaril.
Sa ngayon ay nanatiling blangko naman ang kapulisan sa posibleng motibo ng nasabing krimen ngunit nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon.