Ibinunyag ng Philippine Ports Authority (PPA) na walang transaction at clearance record ang dalawang sumadsad na barko sa karagatang sakop ng Bataan – MT Jason Bradley at MV Mirola 1.
Ayon kay PPA general manager Jay Daniel Santiago, tinunton ng ahensiya ang vessel tracking and monitoring system (VTMS) ng mga ito ngunit wala silang natanggap na signal o maging manual submission mula sa mga naturang barko.
Sa panig ng Mirola 1, wala aniyang natanggap ang mga port management sa Bataan na anumang signal o paalam mula sa ship management, wala din itong anumang record batay sa talaan ng PPA.
Para sa Jason Bradley naman, sinabi ni Santiago na ang huli nitong record ay noon pang November 2022 sa isang pribadong pwerto sa Navotas.
Unang sumadsad ang Jason Bradley noong July 27 na sinundan din ng Mirola 1 noong July 30, kapwa sa karagatang sakop ng Mariveles, Bataan.
Ang dalawa ay una nang nakitaan ng tumatagas na langis ngunit minimal lamang kumpara sa lumubog na MT TerraNova.