CEBU CITY – Dalawang sunog sa loob ng limang oras sa Cebu City ang sumira sa 56 na bahay at 216 katao ang nawalan ng tirahan sa Barangay Kalunasan at Talamban ng nasabing lungsod.
Tinataya ng mga imbestigador ng Cebu City Fire Office (CCFO) na aabot sa P2,790,000 ang pinsala sa mga ari-arian ng dalawang sunog.
Sinabi ni SFO1 Riza V. Julve, CCFO fire investigator, na naitala ang sunog sa Sitio Langub, Barangay Kalunasan, Cebu City alas-10:34 ng gabi noong Nov. 5 kung saan aabot sa 50 bahay ang naabo at 50 pamilya ang nawalan ng tirahan na binubuo ng 205 indibidwal.
Sinabi ni Julve na 46 na bahay ang natupok sa sunog at apat na bahay ang bahagyang natupok.
Dagdag pa niya, nasugatan sa sunog ang 70-anyos na may-ari ng bahay kung saan nagsimula ang sunog sa Sitio Langub.
Kinilala ni Julve ang mga nasugatan na si Euphemia Escototo, na nagtamo ng first degree burn sa kaliwang braso at mabilis na ginamot ng mga paramedic sa fire scene.
Sa pagtaya ng fire investigator, aabot sa P1,950,000 ang pinsala sa sunog sa Sitio Langub, Barangay Kalunasan.
Sa imbestigasyon, nabatid na natanggap ng bumbero ang alarma ng sunog sa Barangay Kalunasan alas-10:34 ng gabi, nakaresponde sila at dumating sa lugar ng sunog alas-10:39 ng gabi, kung saan agad nilang itinaas ang unang alarma, na nangangahulugan na hindi bababa sa dalawang trak ng bombero ang kailangan upang maapula ang apoy.
Nakontrol ang sunog makalipas ang isang oras alas-11:33 ng gabi. at nagdeklara ng fire out bandang 11:39 pm.
Inaalam pa nila ang sanhi ng sunog.
Samantala , naitala ang ikalawang sunog matapos ang limang oras malapit sa Family Park sa Barangay Talamban kung saan naiulat ito alas-2:47 ng madaling araw at nakontrol ng alas-3:10 ng umaga at idineklarang fire out alas-3: 17 ng madaling araw.