Dalawang suspek sa pamamaril ang nasawi matapos maka-engkwentro ang mga operatiba ng Philippine National Police – Lucena City Police Station (PNP-LCPS) sa Barangay Antipolo, Sariaya, Quezon.
Kinilala ang mga napatay na suspek na isang Alias “Bin Laden”, tinatayang nasa 38 taong gulang at residente ng Purok Tanglaw, Barera, Brgy 8, Lucena City at isang Alias “Palos” nasa tamang edad, habang naaresto naman ang kasama nila na si Alias “Soya”, 33 walang trabaho at residente ng Purok Talabis, Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City.
Sina Alyas Bin Laden at Alyas Palos ay nasawi sa ginawang hot pursuit operation ng Lucena City Police station sa Brgy Anitpolo, Sariaya dakong alas-7:30 ng gabi, Abril 2, 2024.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na bago naganap ang engkwentro ay nakatanggap ng impormasyon si PCpl. Michael Carurucan ng Cotta sub-station tungkol sa pamamaril sa biktimang si Michael Joshua Ranas Timajo, 20, binata sa loob ng kanilang bahay sa Purok Tanglaw, Barera, Brgy 8, Lucena City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa loob ng bahay ang biktima at abala sa pag-aayos ng kanyang ear pods ng biglang sipain ng mga suspek ang pintuan at pagbabarilin siya ng kalibre 45 na baril na nagresulta sa agarang pagkamatay ni Timajo.
Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City.
Kaagad namang nagsagawa ng dragnet operation ang mga LCPS na nagresulta sa pagkakaaresto ni Alyas Soya na nagturo na ang kanyang mga kasama ay tumakas patungong Sariaya.
Sa hot pursuit operation na ginawa ng mga awtoridad ng LCPS sa koordinasyon sa Sariaya MPS at 1QPMFC ay nakaengkwentro sina Alyas Bin Laden at Alyas Palos sa Brgy. Antipolo, Sariaya.
Kaagad na nagpaputok ang mga suspek na nagresulta sa agaran nilang pagkamatay.
Lumalabas naman sa imbestigasyon na si Alyas Bin Laden ay pangunahing suspek sa isang insidente ng pamamaril sa Lucena noong nakaraang buwan.