Nanindigan ang dalawang inmate na nagsilbing testigo sa ikalawang serye ng pagdinig ng Quad Committe na ang galit nila sa hindi natupad na kasunduan ang naging dahilan kung bakit naglabas ng testimonya ukol sa umano’y tatlong Chinese drug personalities na pinatay.
Maalalang sa naging pagdinig kahapon ng Quad Committee ay sinabi nina Fernando Andy Magdadaro, at Leopoldo Untalan Tan Jr. na ginawa nila ang pagpatay dahil sa pangakong isang milyong piso at tuluyang paglaya nila mula sa kulungan.
Pero ayon kay Magdadaro, tanging ang isang milyong piso ang natupad at naibigay umano sa kanyang pamilya, habang ang pangakong paglaya ay nananatiling hindi nangyayari.
Pinilit ding tanungin ni Manila 3rd District Representative Joel Chua kung bakit hindi sila nagsalita noong sila ay kinasuhan ng homicide kasunod ng ‘matagumpay’ na pagpatay sa tatlong Chinese, sinabi ni Magdadaro na hindi nila inakalang kakasuhan sila habang pinanghahawakan din ang pangakong tuluyan din silang lalaya.
Una nang nakasaad sa sinumpaang salaysay ng dalawang inmate na ang galit nila sa umano’y mga nag-utos sa kanilang mga pulis para patayin ang tatlong Chinese ay ang nag-udyok sa kanila para lumantad sa Quad Committee. Makailang ulit umanong nagtanong ang dalawa sa mga pulis, kasama na si Superintendent Gerardo Padilla, kung kailan sila makakalaya, ngunit ang tanging isinasagot sa kanila ay maghintay lamang sila.
Taong 2016 noong nangyari ang pagpatay sa tatlong Chinese na kinilala bilang sina Chu Kin Tung alias Tony Lim, Li Lan Yan alias Jackson Li, at Wong Men Pin, alias Wang Ming Ping.
Sa panahong iyon, nasa kasagsagan ang madugong war on drugs ni dating PRRD.
Samantala, hindi naman sumagot ang dalawang testigong inmate matapos silang tanungin ni Cong Bienvenido Abante Jr. kung naniniwala silang ang ipinag-utos sa kanila na pagpatay ay para sa ikabubuti ng bayan.
Pinilit kasing tanungin ng mambabatas mula sa dalawang inmate kung naniniwala ba silang makabubuti sa bansa ang ginawa nilang pagpatay sa tatlong Chinese, dahil sa ito ay ‘ipinag-utos’ umano ng nakalipas na administrasyon.
Hindi sumagot ang dalawang preso bagkus ay tumungo lamang.
Matapos hindi makapag-hintay ng kasagutan, pinalitan ni Abante ang katanungan at tinanong kung ginawa lamang nila ito dahil sa alok na pabuyang isang milyon at pag-laya mula sa kulungan.
Unang idinawit ng dalawang testigo si dating PRRD at ilang mga police officials sa ginawang pagpatay sa tatlong Chinese noong 2016.