Dumanas ng pagkatalo ang Dallas Mavericks sa kamay ng kulelat na Memphis Grizzlies, 108 – 94.
Ito na ang ika-pitong pagkatalo ng Dallas habang ikalimang panalo naman ito ng Memphis, sa loob ng 18 games ngayong season.
Labis na nahirapan ang Dallas sa naging laban nito sa Memphis, lalo na at hindi naglaro ang star guard na si Luka Doncic dahil sa ilang personal na kadahilanan.
Umabot lamang sa 10 points ang nagawa ni Kyrie Irving, kasama ang 5 rebounds at 5 assists. Hanggang 16 points lamang ang pinakamataas na individual score ng Dallas na naitala nina Grant Williams at Derrick Jones Jr.
Binuhat namang ni Desmond Bane ang Grizzlies sa pamamagitan ng 30 big points at limang assists.
Si Bane ang tanging starter sa Memphis na nakakuha ng double-digit points ngunit naging malaki naman ang ambag ng bench kung saan tatlo sa kanila ang nagbuhos ng mga double-digit points.
17 points ang ipinasok ni Santi Aldama kasama ang 12 rebounds, 19 points ang kontribusyon ni Jaylen Nowell, habang 15 points ang ambag ni Vince Williams Jr.
Sa pagtatapos ng unang kalahating bahagi ng laro, hawak ng Memphis ang 25 points na lead. Pinilit ng Dallas na maabutan ito sa ikatlong kwarter at naibaba ng hanggang 17 points.
Gayonpaman, muling bumalik ang sigla ng Memphis sa huling kwarter at nagbuhos ng 29 points samantalang 22 points lamang ang nagawang ipasok ng Dallas.