-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sisikapin ng task force na binuo ng mga electric cooperatives mula sa region 1 hanggang region 8 na maibalik bago matapos ang Nobyembre 2020 ang daloy ng kuryente sa mga lalawigan na sinalanta ng super bagyong Rolly.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Philreca Partylist Representative Presley de Jesus na kagabi ay nagtungo na sa Bikol ang mga binuong task force mula sa region 1, 3, 4A, 4B, 6, 7 at 8.

Bawat team aniya ay mayroon nang bayan na pupuntahan sa mga lalawigan ng Albay, Catanduanes, Camarines Sur at Marinduque.

Ang 10 team mula sa region 2 na binubuo ng 60 na tao ay pumunta sa lalawigan ng Marinduque.

Mayroon silang mga dalang PPE at mga equipment para sa mabilis na pagsasaayos ng mga nasirang linya ng koryente.

Ayon kay Partylist Rep. De Jesus, kung ang nasira ay mga distribution line, primary at secondary lines ay mabilis lang na maibalik ang daloy ng koryente ngunit bahagyang matatagalan kung ang sub-station ang nagtamo ng malaking sira.