Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kontrolado pa sa ngayon ang daloy ng trapiko sa Dangwa Flower Market at papuntang Manila North Cemetery ilang araw bago ang Undas.
Ayon kay MMDA Traffic Aide 1st Officer Joseph Peralta Bermundo, maituturing na nasa normal at kontroladong sitwasyon pa ang buhos ng mga sasakyan papunta sa mga sementeryo gayundin ang ilang bilihan ng mga bulaklak sa paligid ng Dangwa at Manila North Cemetery.
Dagdag pa niya, inaasahan naman ng kanilang ahensya na dadami pa at titindi ang buhos ng mga sasakyan sa mga susunod na araw lalo na sa mismong araw ng Undas sa Nobyembre 2.
Sa kabila nito ay nagpaalala naman si Bermundo sa mga dadalaw sa kani-kanilang mga kamag-anak na kung maaari ay mas maaga magtungo sa Manila North Cemetery para makaiwas sa mas matinding trapiko.
Alam daw kasi nila na mas buhos ang mga sasakyan pagpatak ng alas-kwatro ng hapon hanggang gabi.
Samantala kung ikukumpara naman ang sitwasyon ngayong taon noong nakaraang taon ay mas organisado ngayon at mas mabilis din ang access sa mga helpdesk dahil marami ang mga tent na nakapaligid sa sementeryo na may mga on-duty personnels.