-- Advertisements --

Napanatili ang magaan na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Northern Luzon Expressway ngayong Huwebes Santo (April 17), sa gitna ng tuloy-tuloy na pagdagsa ng mga motorista sa probinsya.

Batay sa report na inilabas ng NLEX hanggang kaninang hapon, tuloy-tuloy ang pagdaan ng mga sasakyan sa mga kalsadang nasa ilalim nito, batay na rin sa real time monitoring ng expressway management.

Sa Taal, Bocaue hanggang Balagtas northbound, napanatili ang mula 40 hanggang 50 kph na running speed ng mga sasakyan.

Pagkatapos ng Balagtas hanggang Sta. Rita northbound, nananatiling magaan ang daloy ng trapiko.

Pagpasok sa Candaba Viaduct northbound, napapanatili ang 40 hanggang 50 kph na running speed ng mga sasakyan.

Sa Candaba Viaduct hanggang San Fernando northbound, nananatiling magaan ang daloy ng trapiko.

Mula Angeles hanggang Mabalacat, Pampanga, napapanatili ang 60 hanggang 70 kph na running speed ng mga sasakyan

Ayon sa NLEX, nananatiling magaan ang daloy ng trapiko sa kabila ng paglubo ng bulto ng mga sasakyan. Tuloy-tuloy naman ang pagdaan ng mga sasakyan kung saan sa ilang mga lugar ay namonitor lamang ang hanggang sa 500 metro na traffic build up, lalo na sa Mindanao Exit.

Ang NLEX ang pangunahing daanan ng mga sasakyang papunta sa central Luzon, Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region.