-- Advertisements --

DAVAO CITY – Magsasagawa kaagad ng assessment ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pang mga ahensiya ng lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Davao del Sur at lungsod ng Davao para malaman kung gaano ang pinsala na naidulot ng magnitude 6.9 na lindol kahapon kung saan sentro ang Padada, Davao del Sur.

Nabatid na suspendido ngayong araw ang klase ng mga paaralan at trabaho sa iba’t bang ahensiya ng pamahalaan sa lalawigan ng Davao del Sur, Davao City, Davao del Norte at iba pang bahagi ng Davao region lalo na at maraming gusali ang nasira na una ng nagtamo ng pinsala sa nakaraang lindol noong buwan ng Oktubre.

Samantala sinabi naman ni DOST usec. at Phivolcs Director Renato Solidum, na aasahan pa rin ang mga aftershocks sa susunod pa na mga araw.

Mahalaga lamang umano na laging handa at alam ang mga dapat gawin.

Wala rin umanong dapat na ipag-alala ang mga naninirahan sa paanan ng Mt. Apo dahil walang aasahan na pagsabog ng bulkan at walang ring aasahan na tsunami.

Magsasagawa naman ngayon ang lokal na pamahalaan ng Davao ng assessment lalo na at may mga gusali rin sa lungsod ang muling nagkaroon ng mga bitak matapos ang nangyaring pagyanig.

Sa kasalukuyan, anim na ang naitalang patay sa nangyaring lindol kung saan kinilala ang unang casualty na si Cherbelchen Imgador, 6, sa Padada Davao del Sur na nahulugan ng debris habang nasa loob ng kanilang bahay.

Nasa halos 30 naman ang naitalang injured matapos na gumuho ang isang grocery store sa lungsod kung saan may dalawang patay pa ang narekober.

Ayon pa sa may-ari ng gusali na si Alex Sy, sa higit 10 niyang empleyado, isa umano sa mga ito ang missing na posibleng nasa loob ng gusali.

Sa kasalukuyan patuloy pa na inaalam ng rescue team kung may signs of life pa sa loob ng gusali.