Kasabay ng pagbuti ng lagay ng panahon, agad ng nagpakalat ang Armed Forces of the Philippines ng kanilang personnel para tumulong sa matataas na opisyal ng gobyerno sa pagsasagawa ng rapid damage and needs assessment (RDANA)
Nagsagawa na rin ng humanitarian assistance at disaster response operations ang ibang mga sundalo sa mga lugar na apektado ng bagyong Karding.
Inatasan na rin ni AFP chief of staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro ang unit commanders para magamit ang lahat ng available assets para sa damage at needs assessment ng national at local officials sa northern, central at southern Luzon kung saan karamihan sa mga lugar ay lubog pa rin sa baha.
Kasama din ng Philippine Air Force lulan ng Bell 412 utility helicopter ang Pangulong Bongbong Marcos na nagsagawa ng aerial inspection para ma-assess ang pinsala dala ng bagyo matapos ang briefing kasama ang mga opisyal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City ngaying araw.
Kabilang sa i-dineploy na air assets ang Sikorsky S-70i Black Hawks para sa damage at needs assessment sa mga lugar na apektado sa Southern Luzon.
Samantala, ang Philippine Army naman ay nag-deploy na rin ng mga personnel para magsagawa ng road clearing operations sa Anawan, Polillo Island sa Quezon na isa sa pinakamatinding sinalanta na probinsiya para matiyak na ligtas na makadaan ang mga rescue vehicles at hindi maantala ang paghahatid ng mga pagkain at tubig na kailangan ng mga biktima ng bagyo.