-- Advertisements --
William Dar 1
DA Secretary William Dar

VIGAN CITY – Nagsasagawa na ng damage assessment ang Department of Agriculture (DA) sa mga lugar na hinagupit ng Bagyo Tisoy upang malaman ang kabuuang halaga ng pinsala nito sa mga pananim at kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa.

Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Secretary William Dar, sinabi nito na nagpakalat na sila ng kanilang team sa mga rehiyon na direkta at hindi direktang naapektuhan ng nasabing bagyo, kagaya na lamang sa Region 1, 2, 3, 4-A at 4-B, kasama na ang Region 5, 6, 7 at 8 para alamin ang naging pinsala ng bagyo sa kanila.

Base sa pinakahuling rekord ng ahensya, tinatayang aabot sa 218,938 ektarya na pananim na palay at 25,915 ektarya ng pananim na mais na nasa reproductive at maturing stage ang pinangangambahang binaha o sinira ng bagyo kung kaya’t inihahanda na ng DA ang ilang ayudang ipamamahagi sa mga magsasakang apektado.

Isa na rito ang Quick Response Fund para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar na aabot sa PHP 250- milyon; ilang bag ng binhi ng palay, corn seeds at binhi ng gulay, kasama na rin ang PHP 65- milyon na Survival Recovery (SURE) Program na pautang na sakop ng Agricultural Credit Policy Council, maliban pa ang available funds na nasa Philippine Crop Insurance Corporation para sa mga napinsalang pananim.