-- Advertisements --

NAGA CITY – Pumalo na sa P2 milyon ang tinatayang pinsalang iniwan sa nasunog na branch ng Jollibee sa lungsod ng Naga kaninang umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay SF02 Dominggo Salcedo, chief investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP) Naga, sinabi nitong nagsimula ang apoy sa nag-leak na gas mula sa LPG habang nagluluto ang isang empleyado.

Kaugnay nito, umabot pa sa ikatlong palapag ng gusali ang apoy ngunit agad namang naapula ng mga rumespondeng BFP at ilang mga volunteer firefighters.

Agad namang inilikas ang mga guest ng katabing hotel nang umabot na rito ang makapal na usok mula sa nasusunog na gusali.

Ayon kay Salcedo, isang guest aniya ng hotel ang itinakbo sa ospital matapos sumama ang pakiramdam sa gitna ng insidente.

Samantala, ilang oras lamang matapos magdeklarang fire out ang BFP, muli na namang lumiyab ang isang bahagi ng naturang gusali.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.