CAUAYAN CITY – Plano ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan na ituloy ang pagsasampa ng damage suit sa pamunuan ng Magat Dam sa Ramon, Isabela dahil sa malaking pinsala na dulot ng mga naranasang matinding pagbaha noong nakalipas na taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na nais ng kanyang mga kababayan na kasuhan ang pamunuan ng Magat Dam dahil bawat taon na lamang umano ay nasisira ang kanilang mga pananim bunsod ng pagbaha.
Gayunman, ang problema ngayon ay ang babayaran sa korte na aabot ng P30-milyon kaya paplanuhin pa nila ang dapat nilang gawin para hindi sila magbayad ng ganitong kalaking kahalaga.
Aniya, kung siya ang tatanungin ay ayaw sana niya itong gawin ngunit ayaw na niyang paulit-ulit na lamang ang nararanasan nilang problema bawat taon.
Ayon sa punong lalawigan, aabot sa P4-bilyon ang pinsala ng pagbaha sa kanilang lalawigan noong nakaraang taon.
Samantala, umaasa si Governor Mamba na tutuparin ng pamunuan ng Magat Dam ang sinabi niyang ibababa na nila ang maintenance level ng tubig ng dam.
Aniya, mataas ang maintenance level ng naturang dam kaya kapag umulan ay sinasabayan nila ang paglaki ng Magat River sa pamamagitan ng pagpapalabas ng tubig.
Sinabi niya na ang Magat Dam ay nagsusuplay ng tubig sa 86,000 hectares 38 taon na ang nakakalipas at hanggang ngayon ay ganoon pa rin sa kabila na silted na ang Magat River ng 33 meters.
Ito ang dahilan kaya ang kakayahan nitong magrestore ay nabawasan.
Dahil dito ay iminungkahi niyang dapat isailalim din sa dredging ang Magat River.