KORONADAL CITY – Tumaas pa ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Tulunan, North Cotabato batay sa pinakahuling damage assessment report ng Municipal Agriculture Office sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat ng Municipal Agricultures Office, nasa mahigit P183 million ang pinsala sa mga palayan, halos P300,000 sa mga maisan at mahigit P120,000 naman ang pinsala sa mga banana plantation.
Nabatid na nasa labinlimang mga barangay sa bayan ang lubhang apektado ang palayan dahil sa tumamang malalakas na pag-ulan, siyam na mga barangay ang may taniman ng saging ang apektado habang isang barangay ang may pinsala sa taniman ng mga mais.
Sa pinakahuling damage report ay nasa 1,616 na mga magsasaka sa bayan ang apektado.
Kaugnay nito, nagpulong na ngayong araw ang Local Disaster Risk Reduction and Management Council upang irekomenda ang pagdeklara ng state of calamity sa buong bayan kung saan basehan ng deklarasyon ang 30% damage sa kabuuang ektarya ng mga produktong pang agrikultura.
Inihayag naman ni PDRRMO Chief of Operations Arnulfo Villaruz na nasa higit apatnapong porsyento ng mga palayan, maisan at sagingan sa bayan ang apektado matapos manalasa ang malakas na hangin.