Namataan ang pinakamalaking coast guard ship sa buong mundo na China Coast Guard 5901 o kilala bilang Monster ship na may bigat na 12,000 tonelada na dumaan malapit sa outpost ng Pilipinas na BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal bandang alas-9 ng umaga ngayong araw ng Lunes, Hunyo 25.
Ito ay base sa West Philippine Sea monitoring ni Sea Light director at US maritime security expert Ray Powell.
Tinahak umano ng dambuhalang barko ng China ang hilagang direksyon.
Ayon kay Powell, hindi intensiyon ng CCG ship na manatili sa bisinidad ng shoal na nasa loob ng West Philippine Sea.
Gayunpaman, naglayag umano ang Monster ship ng CCG sa hotspots ng pinag-aagawang karagatan kabilang ang Pag-asa island ng Pilipinas at Luconia shoal ng Malaysia.
Iniuri naman ito ni Powell bilang isang panghihimasok na pagpapatrolya na layuning magpaabot ng mensahe sa hurisdiksyon ng China sa nasabing mga karagatan at sa pamamayagpag nito sa maritime features.