-- Advertisements --

Bumalik na sa dati at nasa pre -pandemic level na ang dami ng mga pasaherong sumasakay sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos na muling payagan ng pamahalaan na makap-operate ng full capacity ang lahat ng mga pampublikong transportasyon sa piling mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.

Sa datos ng naturang rail line, umabot na sa 233,845 ang bilang ng mga pasaherong sumasakay sa MRT-3 ngayon.

Halos katumbas na ito ng 234,614 na mga commuters na una nang naitala noong Marso 11, 2020 bago ipatupad ang lockdown sa Luzon at ipagbawal ang lahat ng uri ng mass transport na ibinalik naman ng pamahalaan noong Hunyo 2020, ngunit may limitadong seating capacity kung saan nagpatupad mula 10% capacity ang naturang tren hanggang sa unti-unti itong nadagdagan kasabay ng pagluluwag sa mga ipinatutupad na protocols sa bansa.

Sa ngayon ay maaari nang makapagsakay ang naturang railway ng hanggang 1,182 na mga pasahero kada byahe, matapos na ibaba ng gobyerno sa pinakamaluwag na Alert Level 1 ang Metro Manila at iba pang piling mga lugar sa bansa sa pagpasok ng buwan ng Marso ngayong taon.

Samantala, patuloy pa rin naman ang ipinapatupad na minimum public health standard dito kabilang na ang palagiang pagsusuot ng face mask, pagbabawal sa pagsasalita, pakikipag-usap sa telepono, at pagkain o pag inom ng tubig.