(Update) BAGUIO CITY – Patuloy ang pagpapalikas ng mga lokal na pamahalaan sa Benguet sa mga residente na nakatira sa mga landslide at flashflood prone areas sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Rosemarie Melecio, PDRRM officer ng Benguet, sinabi niya na aabot na sa 71 pamilya na binubuo ng 179 indibidwal sa tatlong bayan sa lalawigan ang lumikas dahil sa banta ng pagguho ng lupa at mga bato.
Aniya, 55 na pamilya o 105 indibidwal ang lumikas sa Itogon, 15 na pamilya o 63 indibidwal sa Tuba at isang pamilya o dalawang indibidwal sa Mankayan.
Aabot din sa tatlong mga bahay ang partially-damaged sa Benguet kasama na ang bahay kung saan isang lola ang nasawi matapos matabunan habang patuloy na nagpapagaling sa pagamutan ang apo nito na nasugatan.
Nabigyan na rin aniya ng mga food reliefs ang mga evacuees na nagtungo sa mga evacuation centers at bahay ng mga kamag-anak nila.
Samantala, iniulat naman ng National Power Corporation-Ambuklao-Binga Flood Forecasting and Warning System for Dam Operation na nagsimula na kahapon, August 13 ang spilling operations ng Ambuklao Dam at Binga Dam na matatagpuan sa Benguet.
Ginawa ito ng ahensiya bago pa makaabot ang tubig sa mga ito sa naitakdang critical levels.
Binuksan ang Ambuklao Dam ng tig-4 meters ang walong gate nito matapos umabot sa sa 752.04 meters ang water level nito habang binuksan ng Binga Dam ng tig-3.5 meters ang 6 gate nito matapos umabot sa 574.43 meters ang water level nito.
Inalerto naman ng mga otoridad ang mga nakatira malapit sa waterways ng Agno River partikular sa Buguias, Kabayan at Bokod sa Benguet para sa paglikas ng mga ito kung kinakailangan.
Samantala, sinuspinde ang klase sa lahat ng antas ngayong araw, August 14 sa Baguio City, sa lalawigan ng Abra at sa bayan ng Itogon, Benguet dahil sa patuloy na nararanasang sama ng panahon.
Sinuspinde din ang klase mula pre-school hanggang high school sa Mountain Province at Benguet.
Sa kabilang dako iniulat ng DPWH-Cordillera na patuloy ang paglinis nila sa mga kalsada sa buong rehiyon dahil sa patuloy na insidente ng landslide habang nadagdagan pa ang mga kalsadang tuluyang isinara na sa mga motorista dahil sa sinking section at roadcut sa mga ito habang ilan ding kalsada ang nananatiling one-lane passable.