(Update) KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagkasunog ng tinatayang 50 mga bahay sa Sitio Ambolong Bukid, Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay.
Walang naitalang namatay sa insidente, ngunit may ilang nasugatan dahil sa pagmamadaling makalabas sa kani-kanilang bahay.
Ayon kay BFP Boracay Investigator Franklin Arobang na karamihan sa nasunog na bahay ay gawa sa light materials.
Halos lahat umano ng firemen mula sa BFP Boracay Fire Substation, mga tauhan ng Boracay Tubi Systems Inc. at mga miyembro ng Boracay Fire Rescue and Ambulance Volunteers ay tumulong sa pag-apula ng apoy pasado alas-8:00 nitong Huwebes ng umaga.
Subalit, nahirapan aniya ang mga ito na makarating sa lugar dahil sa matirik at makipot na daan. Naging mabilis rin ang pagkalat ng apoy dahil sa malakas na hangin at dikit-dikit na kabahayan.
Idineklara ang fire out dakong alas-11:51 ng umaga na umabot sa general alarm.
Tinatayang P1-milyon ang halaga ng tinupok na ari-arian.
Inaalam pa ng mga bombero ang sanhi ng sunog at kung saang bahay ito nagmula.
Apektado sa insidente ang nasa 52 mga pamilya na kasalukuyang nasa evacuation center ng Manocmanoc covered court.