-- Advertisements --

Patuloy na pinag-iingat ang publiko sa gitna ng matinding init ng panahon na mararanasan sa ilang lugar sa bansa ngayong araw ng Martes, Abril 8.

Ayon sa state weather bureau, inaasahang makakaranas ng danger level heat index sa siyam na lugar ngayong araw.

Kung saan maaaring pumalo sa 44°C ang temperatura sa Virac, Catanduanes habang 43°C na heat index ang maaaring tumama sa may Sangley Point, Cavite city.

Habang tinataya naman ng bureau na maitala ang 42°C heat index sa mga lugar sa Dagupan City, Pangasinan; Cubi Pt. Subic Bay Olongapo City; San Jose, Occidental Mindoro; Cuyo, Palawan; Roxas City, Capiz; Iloilo City at Dumangas, Iloilo.

Sa Metro Manila, partikular sa NAIA Pasay city inaasahang nasa 41°C na heat index ang maitatala habang nasa 38°C ang inaasahang heat index sa Quezon city ngayong araw.

Ibinabala naman sa publiko na posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion sa mga lugar na nasa extreme caution o may heat index na 33°C hanggang 41°C habang posibleng banta ng heat stroke naman sa mga lugar na nasa danger level o may 42°C hanggang 51°C heat index.

Kayat pinapayuhan ang publiko para makaiwas sa nasabing mga sakit na uminom ng tubig, iwasang lumabas sa pinakamainit na mga oras ng araw hangga’t maaari o kung hindi naman maiiwasan gumamit ng mga panangga sa init tulad ng payong o sumbrero at magsuot ng mga magagaan at maluluwang na mga damit.