Walong lugar sa bansa ang nakaranas ng mainit na temperatura at maging ‘danger level’ na heat index ngayong araw.
Batay sa inilabas na heat index forecast ng State Weather Bureau, pumalo sa 44°C ang pinakamataas na heat index ngayong araw na siya namang naitala sa Dagupan City, Pangasinan.
Pitong lugar naman ang nakaranas nang hanggang 42-43°C na heat index.
Kabilang na rito ang Bacnotan, La Union; San Jose, Occidental Mindoro; Palawan; Roxas City, Capiz; Guiuan, Eastern Samar; at Cotabato City, Maguindanao.
Posible namang makaranas ng matinding epekto sa kalusugan kapag umabot na sa danger level ang heat index.
Kasama na rito ang heat cramps at heat exhaustion kapag masyadong nabilad ng matagal sa ilalim ng araw.
Pumalo naman sa 40-41°C ang alinsangan na naranasan dito sa Metro Manila na pasok sa ‘extreme caution’ level.