Inaasahang papalo ang heat index sa dangerous level sa 4 na lugar sa bansa ngayong Ash Wednesday, Marso 5.
Base sa heat index forecast ng state weather bureau, inaasahang makakaranas ng 43° Celsius heat index sa Legazpi City, Albay; Virac (Synop), Catanduanes at CBSUA-Pili, Camarines Sur.
Nasa 42°C na heat index naman ang mararanasan sa San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon sa bureau ang heat index sa pagitan ng 42°C at 51°C ay maituturing na “dangerous” o mapanganib na nagdudulot ng mga panganib sa kalusugan tulad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.
Kayat para maiwasan ang mga sakit ngayong mainit na panahon, ipinapaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na uminom ng maraming tubig; umiwas sa iced tea, soda, kape, o mga inuming may alkohol; paglimita sa oras na ginugugol sa labas sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon; at gumamit ng proteksyon sa araw tulad ng mga sumbrero, payong, at sunblock kapag lalabas. Magsuot rin ng maluwag at magaang damit.