Dominante ang ipinamalas ni Danny “Swift” Garcia upang makumbinsi ang mga judges sa isang unanimous decision laban sa Ukraninan boxer na si Ivan “El Terrible” Redkach.
Sa mga unang round pa lang ay ipinakita na ni Garcia ang kanyang bilis at malalakas na counterpunch kontra sa istilo ni Redkach na isang southpaw.
Kapansin-pansin na hirap makalapit si Redkach sapagkat nakakapagbitaw agad ng counterpunch si Garcia, kahit na mabibigat na suntok ang pinapakawalan ni Redkach.
Nagpatuloy ang ganitong eksena hanggang Round 12 na ikinapanalo ni Garcia.
Ayon kay Garcia, hindi siya kuntento sa kanyang panalo sapagkat nais niyang ma-knockout si Redkach upang mapatunayan ang kanyang sarili sa kanyang mga kritiko.
Marami ang posibleng sunod na makaharap ng 31-anyos na Garcia kung saan isa na rito ang posibilidad ng rematch kay Keith Thurman na kauna-unahang nakatalo sa kanya.
Kasama rin sa posibleng opsyon ang isang showdown kay Mikey Garcia at kay Pinoy legend Sen. Manny Pacquiao.
Sa ngayon ay mayroon na si Garcia na 37 na panalo kung saan 21 dito ay knockout at dalawang talo.