BUTUAN CITY – Patuloy na niyayanig ng mga aftershocks ang bayan ng Burgos, Surigao del Norte matapos ang 6.2 magnitude na lindol dakong alas-11:06 kagabi.
Dakong alas-6:00 ng umaga ay umabot na sa 16 ang naitalang aftershocks sa nasabing bayan at ang pinakamalakas ay umabot sa 3.7 magnitude maliban pa sa naitalang mga pagyanig sa mga bayan ng Cagdianao at General Luna sa nasabi ring lalawigan at pati na sa mga bayan ng Tago at Cagwait sa lalawigan naman ng Surigao del Sur.
Una nang nilinaw ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum na wala silang nakitang banta ng tsunami matapos ang naturang lindol na ang epicenter ay nasa layong 41 kilometro silangang bahagi ng Burgos na may lalim na 16 kilometro at tectonic ang origin.
Dahil dito, nararamdaman ang Intensity V sa nasabing bayan pati na sa provincial capital na Surigao del Norte at sa Dinagat Island habang Intensity IV naman sa Butuan City, Abuyog, Leyte, Hinunangan, San Francisco, San Ricardo, Tacloban City at Southern Leyte at Intensity II naman sa Camiguin Island.
Sa instrumental intensities naman, naitala ang Intensity III sa Palo, Leyte; Borongan City; Cebu City at Gingoog City habang Intensity II naman sa Argao City ay Intensity I sa bayan ng Alabel, Sarangani province,: Cagayan De Oro City; Cebu City; San Francisco sa lalawigan ng Cebu at Ormoc City.
Kahit na walang inaasahang pinsala ang Phivolcs sa nasabing pagyanig ngunit susuriin pa ngayong araw ng local Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) kung may nasugatan ba o kaya’y naiwan itong danyos.