Lalo pang lumubo ang halaga ng pinsalang iniwan ng malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng Luzon matapos itong umabot sa P1.21 billion.
Ito ay kasabay ng tuloy-tuloy na assessment at validation na ginagawa ng Department of Agriculture – DRRM Operations Center.
Umabot na rin sa 46,625 na mga magsasaka at mangingisda ang natukoy na apektado habang ang production loss ay lumubo pa sa 22,088 metriko tonelada.
Umabot na rin sa 43,530 ektarya ng mga taniman ang natukoy na naapektuhan.
Kabilang sa mga naapektuhan sa ilalim ng sektor ng pagsasaka ay ang palay, mais, high value crops, mga alagang hayop, irrigation facilities, aquaculture project, atbpa.
Naitala ng rice industry ang pinakamalaking halaga ng pinsala na umabot sa P635.17 million at kabuuang 39,785 na ektaryang nasira; 11, 921 dito ay wala nang tyansa para maka-rekober pa.
Umabot naman sa P113.83 million ang pinsalang naitala sa mga maisan.
Sa high value crops, naitala ang halaga ng pinsala na aabot sa P88.81 million.
Sa ilalim ng fisheries sector, umabot na sa P360.80 million ang naitalang pinsala habang 3,334 na mga mangingisda ang apektado.