GENERAL SANTOS CITY – Idineklara na ng Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Huwebes ng hapon na fire out ang nangyaring sunog sa Gaisano Mall sa lungsod ng General Santos na sumiklab Miyerkules ng gabi matapos ang pagtama ng magnitude 6.3 na lindol.
Nahirapan ang mga bombero sa pag-apula ng apoy kung saan kinailangan pa ang tulong ng iba pang mga kawani ng BFP galing sa Sarangani, Davao, South Cotabato at mga private sectors upang mapatay ang sunog makaraan ang 18 oras.
Tinatayang nasa P2-bilyon naman ang danyos sa sunog sa nasabing malaking mall.
Ayon kay Fire Marshall Reginald Legaste ng BFP-Gensan, inaalam pa nila ang dahilan ng sunog at uumpisan agad ang imbestigasyon na pangungunahan ng national headquarters.
Samantala, humanga naman ang publiko at lokal na gobyerno ng GenSan sa mga bumbero sa kanilang sakripisyo at dedikasyon para maapula ang apoy.
Dahil dito ay inalok ng Gensan Hoteliers Association ang mga bumbero ng free accomodation.
Maglalagay naman ng help desk ang City Social Welfare and Development Office QRT para sa mga naapektuhang empleyado ng Gaisano Mall assessment at posibleng intervention.