Lumawak pa ang pinsalang iniwan ng bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa panibagong datos na inalabas ng Department of Agriculture (DA), sumampa na sa P143.47 million ang halaga ng danyos sa mga sakahan.
Bunsod nito, apektado ang nasa 4,798 magsasaka at 3,358 ektarya ng agricultural areas sa Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western at Eastern Visayas, at Soccsksargen, na nagresulta sa pagkawala ng produksyon na 8,600 metric tons (MT).
Sinabi ng departamento na tinatayang 8,265 MT ang pagkalugi sa produksyon para sa palay (unhusked rice), 187 MT para sa high-value crops, 102 MT para sa mais, at 46 MT para sa cassava.
Bilang tugon, sinabi ng DA na nagbigay ito ng P531.72 milyong halaga ng agricultural input mula sa mga field office nito para sa mga apektadong rehiyon at P1 bilyon sa pamamagitan ng Quick Response Fund upang tulungang makabangon ang mga apektadong lugar.
Nakatanggap din ang Agricultural Credit Policy Council’s Survival and Recovery Loan Program ng P500 milyon mula sa DA para makapag-loan ang mga magsasaka ng hanggang P25,000, na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon nang walang interest.