Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na pumalo na sa halos 1.5 million ang naging danyos sa sektor ng agrikultura dahil sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Kanlaon.
Batay sa datos ng ahensya, pumalo na sa kabuuang P1,491,206 ang danyos sa naturang sektor sa Western Visayas.
Aabot na rin sa 2,479 na katao o katumbas ng 682 na pamilya ang naapektuhan mula sa Western at Central Visayas.
Sa ngayon, nananatili ang aabot sa 1,400 indibidwal o 361 na pamilya sa walong evacuation centers na itinalaga ng mga kinauukulan.
364 na katao o katumbas ng 62 na pamilya ang namamalagi sa mga shelter sa ibang lugar.
Dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng bulkan, stranded pa rin ang higit 1,501 na mga pasahero sa pantalan sa Western Visayas.
Samantala, lahat ng 20 domestic at isang international flights ay nagbalik operasyon na.
Ayon sa NDRRMC, nakataas pa rin ngayon ang state of calamity sa La Castellana, Negros Occidental, at Canlaon, Negros Oriental.