LEGAZPI CITY – Nagtamo ng pinakamalaking pinsala ang maisan sa sektor ng agrikultura sa Masbate matapos ang pananalasa ng Bagyong Jolina, batay sa tala ng Department of Agriculture (DA) Bicol.
Ayon kay DA Bicol information officer Emily Bordado sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ikalawa ang island province sa Camarines Sur sa major producer ng mais sa rehiyon na karamihan ay white corn na staple food.
Nasa 1, 507.5 ektarya ng lupaing sakahan ang apektado sa rehiyon na may P82.59 million na pinsala.
Mula naman sa mga lalawigan ng Masbate, Sorsogon, Camarines Sur at Catanduanes ang 3, 383 farmers na apektado.
Sa mga gulay at high-value crops, nasa higit 300 ektarya ang napinsala o nagkakahalaga ng P2.2 million; higit 1, 100 ektarya o P39.25 million na pinsala sa palay; 17.75 ektarya o higit P300,000 sa cassava.
Nasa kabuuang 1, 522 mangingisda naman ang naapektuhan sa pinsala sa fisheries sector na umaabot sa P36.95 million.
Tiniyak naman ni Bordado na may buffer stocks ang kagawaran ng mga binhi para sa rehabilitasyon na prayoridad ang may totally damaged areas.
Sakaling hindi kayanin ng kanilang quick response fund, saka magrerequest sa central office para sa supplemental budget.