Tinatayang papalo sa mahigit P351 million ang magiging danyos sa sektor ng mga mangingisda sa bansa dulot ng oil spill mula sa lumubog na MT Terranova sa Bataan ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sakaling hindi mapigilan ang pagkalat ng tumagas na langis, maaaring makaapekto ito sa mahigit 46,000 mangingisda sa Central Luzon, Region 4A at National Capital Region.
Sa ngayon hindi pa nagpapatupad ang BFAR ng fishing ban dahil agad na naselyuhan ang tagas mula sa mga tangke ng industrial fuel oil na karga ng lumubog na motor tanker at na-contain na rin umano ang tumagas na langis.
Kayat ayon kay BFAR spokesperson Nazario Briguera nakadepende na sa pagpapasya ng mga lokal na pamahalaan kung magdedeklara sila ng fishing ban.
Ang mandato aniya ngayon ng BFAR ay siguruhing patuloy ang assessment at evaluation sa kaligtasan sa pagkonsumo ng mga isda mula sa mga lugar na apektado ng oil spill.
Samantala, bagamat kontrolado na umano ang oil spill, sinabi ng BFAR na kailangang isagawa pa rin ang clean-up operation sa mga apektadong karatig na mga baybayin.