-- Advertisements --
BSKE
Sen. Sherwin Gatchalian (PRIB Photo by Albert Calvelo)

Binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat natanggap na ng lahat ng election workers, guro man o non-teachers ang kanilang buong honoraria bilang tapos na rin ang 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at naproklama na rin ang lahat ng mga nanalong kandidato.

Nitong Biyernes, iniulat ng Commission on Elections (COMELEC) na mayroong 99,801 na miyembro ng Electoral Board (EB) ang nabayaran na o 16.5% ng 605,379 na kabuuang miyembro ng EB na nagsilbi nitong nakaraang BSKE.

Sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) naman, mahigit 1,200 na pulis ang humalili sa mga guro na tumangging makibahagi sa halalan dahil sa isyu ng seguridad, at upang maiwasan ang failure of elections.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng ating mga guro at kawani sa napakahalagang papel nila upang tiyakin ang tagumpay at kaayusan ng barangay at SK elections. Kaya tungkulin ng gobyerno na tiyaking matatanggap nila ang kanilang mga sahod at benepisyo,” sabi ni Gatchalian.

Tumaas ang allowance at benepisyo ng mga poll worker ngayong taon. Halimbawa, tumaas sa P10,000 mula P6,000 ang bayad sa chairman ng electoral board samantalang tumaas din sa P9,000 mula P5,000 ang bayad sa mga kasapi ng electoral board.

Nauna nang tiniyak ng Department of Education (DepEd) na makatatanggap ang mga guro ng medical benefits at personal accident insurance sa pamamagitan ng Government Service Insurance System (GSIS).

Kaugnay nito, muli namang isinulong ni Gatchalian ang tax exemption sa honoraria, travel allowances, at iba pang mga benepisyong ipinagkakaloob ng COMELEC sa mga nagsisilbi sa halalan.

Iminungkahi ito ng senador sa Senate Bill No. 2398 na layong amyendahan ang Section 32 ng na-amyendahan ang Republic Act No. 8424 o National Internal Revenue Code.

Para kay Gatchalian, ang pagkakaloob ng buong halaga ng kanilang honoraria ang pinakamagandang paraan upang pasalamatan ang mga poll workers na tumutupad sa kanilang mandato na panatilihing malinis at maayos ang halalan.