-- Advertisements --
PCSO lotto tickets

NAGA CITY – Naniniwala ngayon ang isang Bikolanong mambabatas na may balidong dahilan si Presidente Rodrigo Duterte sa kautusan nitong pagpapasara sa lahat ng klase ng laro na nasa ilalim ng Philippine Charity Sweeptakes Office tulad na lamang ng Lotto, Keno, Peryahan ng Bayan at STL.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., sinabi nito na naghihintay sila ngayon ng paliwanag mula sa pamunuan ng PCSO at Department of Finance dahil sa umano’y isyu ng korapsyon na siyang itinuturong ugat ng naging kautusan ng Pangulo.

Kaugnay nito, hinamon ngayon ni Garbin ang gobyerno na ipatigil na rin ang mga itinuturing na illegal number games tulad na lamang ng jueteng.

Ayon sa kongresista, sakali kasing matigil na ang operasyon ng PCSO malaki ang posibilidad na papalit dito ang mga iligal na operasyon na walang makukuhang benepisyo, walang buwis, walang mapupunta sa kaban ng bayan at mapupunta lamang sa mga iligalista.

Sa kabila nito, binigyan-diin ni Garbin na huwag sana umanong magpadalus dalos ng desisyon ang gobyerno lalo pa’t marami umanong natutulungan ang PCSO hindi lamang sa edukasyon, sports at medikal kundi maging sa revenue ng bansa.